Friday, March 09, 2007

Si Lola

Isang araw ng biyernes, papasok na ako sa opisina at wala namang pinag-iba ang araw na ito sa nagdaang mga araw. (Yun ang akala ko! :) ) Pagdating ko ng North Ave. station ng MRT, hindi muna ako agad sumakay ng tren kasi wala na kong mauupuan e. Tulad ng dati.... naghintay ako ng kasunod na tren. Pagkalipas ng 5 minuto, may dumating na tren kaya lang lumampas e.. baka sa susunod na istasyon na magsakay. Hintay ulit ako (kaming mga pasahero ng mahigit 5 pang minuto). Dahil medyo naipon ang mga pasahero, unahan sa pagpasok sa tren.

Tulad ng dati, nakaupo ako sa aking "paboritong upuan". At dahil isa ako sa mga naunang nakapasok, isa-isa kong nakita kung pano nag-unahan ang mga babaeng pasahero na makakuha ng mauupuan. Napansin ko ang isang mag-ina (o mag-ate) na humahangos na para bang nakasalalay ang buhay nila sa upuan ng tren. Kung pagbabasesehan ang kanilang panlabas na kaanyuan (itsura), naisip ko na hindi sila mayaman, hindi rin naman nakakaangat sa buhay... sa madaling salita, mukha silang pobre... mahirap... mukhang galing squatter (inuulit ko, ang naging basehan ko lamang ay ang kanilang panlabas na anyo... hindi ko sinasabi na ganun sila.. dahil wala naman akong lakas ng loob ng mga panahon na yon na tanungin pa sila). Sa mumunting saglit na nagkaroon ako ng pagkakataon na mamasdan sila, napansin ko ang kaanyuan nung batang lalaki. Siguro ay nasa 4-5 taong gulang, payat (mukhag malnourished), malaki ang mata at ang kulay ng balat ay nasobrahan sa pagiging kayumanggi, na parang nasunog sa sikat ng araw. Hindi ko alam kung bakit parang pinag-aksayahan ko pa ng panahon na suriin ang pagkatao nung bata. May dahilan naman pala.....

Puno na ang tren, okupado na ang mga upuan, may iilang babae na rin ang nakatayo. Akma na akong matutulog sa kinauupuan ko (dating gawi). Ipinikit ko na ang mga mata ko hanggang sa may narinig akong tinig na galing sa isang matandang babae "Teka, papasok na ko... hintayin nyo ko... alam ng matanda ako e.. hirap na kong maglakad dahil sa rayuma ko, wag nyo ng harangan ang daraanan ko".

(Ang mga susunod na pangyayari ay maaaring makapagpabago sa pagtingin ninyo sa akin... hindi naman ako masamang tao... meron lang ako mga dahilan kung bakit ko nagawa ang mga susunod na pangyayari)

Hindi ko na tinangkang buksan ang mga mata ko dahil sa sobrang antok, hindi ko makakayang ialok ang upuan ko sa kahit kanino ng mga oras na yun dahil gusto kong matulog. At ang katwiran ko pa nuon, 2 tren ang pinalampas ko dahil gusto kong makatulog, hindi ko basta-basta ibibigay ang upuan ko. Naisip ko na kung bubuksan ko ang mga mata ko para sumilip man lang kung kanino galing ang tinig na yun, maaaring nasa harapan ko ang matandang babae na yun at wala akong ibang magagawa kundi ialok ang aking upuan. Sa madaling-salita "umiwas" ako sa responsibilidad. Alam nyo na siguro ang ibig kong sabihin. Ngunit dahil sa walang humpay nyang pagsasalita kahit nasa loob na ng tren (hindi naman sya galit, nagkukuwento sya ng kung anu-ano, tulad ng pangkaraniwang senior citizen, ung masyadong madaldal hehehehe....) napadilat na rin ako. At sa totoo lang, nakahinga ako ng maluwag ng makita ko sya na nasa kabilang panig ng tren, nakatalikod sa akin. Napangiti na lang ako at pinikit ko muli ang aking mga mata.

Hanggang sa umandar na ang tren, nawala ang tinig, ugong na lamang ng aming sinasakyan ang aking naririnig. Wala pa kami sa kasunod na istasyon (Quezon Ave.), ng marinig ko muli ang kanyang tinig. Papalakas ang rehistro sa aking mga tenga. Hanggang sa naramdaman ko na nasa harap ko na sya. Hindi ko talaga dinilat ang aking mga mata. Hanggang sa nakaramdam ako sa aking bandang kaliwa na parang may tumatayo, sa loob-loob ko... "Haay.. salamat may nagpaupo na rin sa kanya." Nakahinga ako ng maluwag, subalit panandalian lamang, narinig ko na naman ang kanyang tinig.. "Ilang taon na ho kayo?" Bigla akong napadilat at nakita ko sya sa harapan ko mismo, tinanong nya ang babaeng nasa kaliwa ko kung ilang taon na ba sya (meron pa palang isang matandang babae na syang pinaupo nung katabi ko.. akala ko pa naman sya na ung pinaupo.. hehehehe...). Ang sabi nung matandang babaeng katabi ko, "65 ho." Ang sabi naman ng matandang babaeng nakatayo, "naku, mas matanda pa pala ho ako sa inyo e." Hindi naman sagad hanggang buto ang kasamaan ko para hindi ialok ang upuan ko sa isang matandang babae na may rayuma na. Ayun, bago pa man huminto ng Quezon Ave. station ang tren, nakaupo na sya at ako, nakatayo.

Sa maniwala kayo't sa hindi, bukal naman ang pagbibigay ko ng aking kinauupuan. Yun nga lang, di ko maiwasang isipin na "kung alam ko lang na tatayo ako, di sana sumakay na ko sa nadatnan kong tren kanina." Baligtad na ngayon ang sitwasyon, ako ang nakatayo sa harap mismo nung matandang babae. At habang binabaybay namin ang kahabaan ng EDSA, nakisuyo sya sa kanyang katabi (ung nasa kanan nya) na kung pwedeng ilagay ung dala nyang bimpo sa likod nya dahil basang-basa na raw sya ng pawis. Pinagbigyan naman sya ng kanyang katabi. Matapos magpasalamat, nagkwento sya kung saan sya pupunta at kung saan sya nanggaling. Walang choice ang kanyang katabi kundi makinig sa kanya... hehehe. Ako naman, di sinasadyang mapakinggan ang kanilang pag-uusap. Huminto sya saglit sa kanyang pagkukuwento at may kinuha sa kanyang bag. Balumbon ng tig-20 pesos at iniabot dun sa batang lalaki na nakita ko kanina na ngayon ay kandong ng kasama nyang ale. Tuloy ang kwento ng matanda...

"Alam mo kasi hija, wala na akong mga apo dito.. nasa Amerika na lahat ng anak ko kaya pati mga apo ko andun na rin. Miss na miss ko na nga sila e... Kaya mula nung mawala silang lahat dito, ang sabi ko sa sarili ko, ang unang bata na makikita ko ay bibigyan ko ng pera. Kami na lamang dalawa dito ng asawa ko. Aalog-alog kami sa bahay. Gusto na akong kunin ng mga anak ko e, kaya lang maiiwan ang asawa ko. Ang sabi ko sa kanila, dito na lang ako, sasamahan ko ang tatay nyo. Hindi kasi nila makukuha ang asawa ko e. Saka, ayaw ko sa Amerika... iba pa rin dito. Lahat ng lima kong anak andun na e... isang Med Tech, isang Nurse, isang PT, isang Civil Engineer at ung bunso kagagraduate lang, MassComm. Kaya eto nililibang ko ang sarili ko.. minsan nag-jo-jogging ako sa Quirino Grandstand, ngayon may pupuntahan akong seminar para sa matatandang katulad ko. Teka.. Guadalupe na ba, dun ako bababa, hija."

Hanggang sa dumating kami sa istasyon na kanyang bababaan. Sa kanyang pagtayo, hindi man lang sya nagpaalam pero lahat kami na nakarinig ng kanyang kwento ay sinundan sya ng tingin na may ngiti sa aming mga labi. Kakaibang kwento ang aming namalas.

Ilan sa aking mga napagnilayan matapos ang maiksing pagkakakilala ko sa bida ng aking kwento:

1. Maaaring naiinis tayo sa kaingayan ng mga lolo at lolang katulad nya. Sa paulit-ulit nilang mga kwento, sa pagiging masungit nila kung minsan. Ngunit sa likod ng kanilang pag-iingay, ng pagsusungit... ay mayroong mga kwentong maaaring makapagbigay sa atin ng mas malawak na pang-unawa at malasakit sa kapwa.

2. Nakita at naramdaman ko ang taos-pusong pag-abot nya ng pera sa batang lalaki. Hindi para magyabang, hindi para magpasikat, kung hindi dahil yun ang kanyang "panata" bunga ng pagkakawalay nya sa kanyang mga apo. Kung tutuusin, hindi naman "cute" ung bata. Kadalasan kasi, hindi ba, natutuwa tayo sa mga batang "cute" - mataba, makulit, bibo, maputi, etc..etc..etc. At dahil sa mga katangiang ito, nakagigiliwan natin silang bigyan ng chocolate, candy or pera. Pero sa pagkakataong ito, kung tutuusin, ay wala namang espesyal na katangian ang batang ito subalit nakuha nya ang atensyon ng matandang ale. Nangangahulugan lamang, sa aking pananaw, na bukal sa loob ng ale na ito ang magbigay.

Haayyy... salamat sa pagkakataon na ito na nakakilala ako ng isang nilalang na tulad niya. :)

No comments: